“MALAKAS na kakumpetensya ang Pilipinas sa global medical tourism dahil sa bukod sa mura ay mataas ang kalidad ng health care sa ating bansa.”
Ito ang pahayag ni Tourism Secretary Joseph “Ace” Durano, isa sa pinakamalakas na isinusulong na kandidatong senador ng Lakas-Kampi-CMD sa darating na halalan sa 2010.
“Nagtutulungan ang Department of Tourism at Department of Health para itulak ang medical tourism para palakasin ang hospital system at makaakit ng mas maraming turista na nangangailangan ng health care at may problemang pangkalusugan,” ani Ace.
Sa sandaling magtagumpay pa ang medical tourism, lilikha ito ng mas maraming trabaho hindi lamang para sa professional medical practitioners at karaniwang mamamayan na may kinalaman sa health-related services.
Simula nang hawakan ni Durano ang Dept. of Tourism noong 2004, taun-taon ay lalong umuunlad ang hospital industry at patuloy sa pagdami ang mga dumarating na turista sa ating bansa.
Dating kongresista mula sa Cebu si Ace, siya rin ang pinakabatang cabinet secretary ni PGMA.
Ibinalita rin ni Ace na ang Pilipinas ang magiging host ng World Health Tourism Congress sa susunod na taon. Gaganapin ito sa unang pagkakataon dito sa Asia.
“Magkakaroon ng kamalayan ang maraming banyaga sa ating medical tourism sa pamamagitan ng congress na ito,” dagdag ni Durano. Idinagdag din ni Ace na ang medical tourism program ng DoT ay katulad ng market strategy para sa leisure tourism na ang konsentrasyon ay sa North Asia, ilang mga bansa sa Europe at ang Philippine-American community sa United States.




