KUNG hindi masasawata ang smuggling ng sibuyas ay malamang na magutom ang libu-libong magsasaka na nabubuhay sa pagtatanim ng sibuyas.
Baon sa utang, ang mga magsasaka ay hindi makapagbenta ng kanilang inaning sibuyas dahil sa pagdagsa sa bansa ng mga sibuyas galing sa China at India.
Ang masakit nito, dahil sa kagagawan ng mga tiwaling negosyante, ang binubuhay nila ay ang mga magsasaka sa dalawang bansa.
Ito ay maliwanag na pagsabotahe sa mga naghihirap na magsasakang kababayan natin. Walang kalaban-laban ang ating mga magsasaka dahil sa taas ng production cost sa ating bansa.
Siyempre, mas mababa ang presyo ng mga sibuyas na galing sa ibang bansa dahil ’di nagbabayad ng buwis ang mga smuggler. Samantalang ang ating mga magsasaka ay kailangang itaas ang presyo ng kanilang produkto dahil nga mataas ang presyo ng abono at iba pang gamit sa bukid.
Ang dapat gawin ng gobyerno ay higpitan ang pagpasok ng mga smuggled na sibuyas sa bansa. Sa totoo lang, mabuti at nandiyan ang Presidential Anti-Smuggling Group na pinamumunuan ni Undersecretary Antonio “Bebot†Villar Jr.
Kahit kulang sa budget at manpower, pilit pa ring ginagampanan ng PASG ang kanilang tungkulin para matigil na ang talamak na smuggling sa bansa. Hindi sila nagpapabaya dahil patuloy nilang tinutugis ang mga mandaraya sa gobyerno.
Malaki na ang naiambag ng PASG sa koleksiyon ng buwis dahil sa mga nahuhuli nilang mga nagpapalusot. Ang malungkot nga lang ay nababatikos pa ang mga taga-PASG sa kabila ng puspusan nilang kampanya laban sa smuggling.
Pero, sabi nga ni Manong Bebot, hangga’t nandiyan ang tiwala at suporta ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, hindi siya mangingiming habulin at hulihin ang mga mandarayang negosyante kahit sino pa man ang tamaan.
Ang isa pang magandang balita, nagtutulungan ngayon ang PASG at ang tanggapan ng Deputy Commissioner Enforcement Group ng Bureau of Customs, sa ilalim ni DepCom Horacio “Toto†Suansing para bantayan ang mga dumarating na kontrabando.
Nangako si DepCom Suansing kay Usec. Villar na patuloy silang makikipagtulungan sa PASG para matigil na ang pagpapalusot ng mga tiwaling nesgosyante. Lalo na ang mga smuggler ng sibuyas.
Kaya naman hindi na tayo nagtataka kung maraming bumabatikos ngayon kay Depcom Suansing. Kitang-kita kasing maraming smuggler ang tinamaan mula nang maupo sa kanyang puwesto si Suansing.
Kaya kayong mga mahilig magpalusot, bilang na ang araw niyo!
* * *
Ibang klase rin naman itong si Sorsogon Rep. Jose Solis. Sa dinami-rami ng dapat asikasuhin ng mga mambabatas ay ang pagtaas pa ng kanilang pork barrel ang inaatupag.
Mantakin niyo ba namang gusto pang gawing P70 milyon taun-taon ang pork barrel ng isang kongresista kahit na alam niyang hirap na hirap na si Juan dela Cruz.
Sa ngayon ay tumatanggap ng P30-milyong pork barrel ang isang miyembro ng House of Representatives sa loob ng isang taon. Congressman Solis, mas mabuti siguro kung mag-consentrate ka na lang sa trabaho mong paggawa ng batas.
Kung gusto mong makatulong sa taumbayan, lalo na sa mga constituent mo sa Sorsogon, ay ituro mo na lang sa Depatment of Public Works and Higways kung ano ang pangangailangan ng iyong distrito.
Sa totoo lang, hindi trabaho ng isang mambabatas ang pagpapagawa ng tulay, kalsada, palengke o paaralan. Trabaho ’yan ng ibang departamento. Ang trabaho ng mambabatas ay magpasa ng batas at siguraduhing may pondo ang mga proyekto.
Marami ang nagagalit dahil ang pork barrel ay isa sa ugat ng corruption sa bansa.
Kahit hindi aminin ng mga mambabatas, usap-usapan sa mga umpukan na ang pork barrel ay source ng kickbacks.
Panahon na siguro para alisin ang pork barrel at ibigay na lang ang pondo sa ibang ahensiya ng gobyerno.
Puwede naman kasing ibigay na lang ang pera sa local government units (LGU’s) dahil sila ang nakakaalam kung ano ang pangangailangan ng taumbayan.   Tama ba Speaker Nograles?
* * *
MGA REKLAMO AT REAKSIYON:
Talagang sobra ang red tape diyan sa DTI-BPS. Magpapa-apruba ka lang ng conditional release ay kailangan mo pang balikan kinabukasan ang request mo. Dapat palitan na ang mga namumuno diyan — CECIL G. ng Makati.
Sec. Favila, alam mo ba ang pinaggagagawa ng mga tauhan mo diyan sa BPS? Grabe ang pahirap na inaabot naming nagta-transak sa BPS.-GREG ROSALES ng Intramuros, Manila.
ABS-CBN: Tanggalin niyo na si Willie, ayaw na naming manood ng bastos at walang modong host — ADEL CANTA ng Batangas.
Sa mga bumabatikos kay Willie, tingnan muna nila ang sarili nila. Perpekto ba sila — ARSENIO APOSTOL ng Cagayan Valley.
Salamat sa text nina: TITO T. ng Cainta, MILO TUPAS ng Marikina, BERT R. ng Marikina. DELIA CRUZ ng Bulacan; FLORENCE GUILLER ng Pasig; DENNIS LOPEZ ng QC, MARK DE LEON ng Batangas, WILLY HERNANDEZ ng Laguna at FELY DIZON ng Pampanga.
(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0915-9462777/e-mail: vicreyesjr08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)




